𝐍𝐕𝐂 𝐅𝐎𝐔𝐍𝐃𝐀𝐓𝐈𝐎𝐍 𝐖𝐄𝐄𝐊 2025

Tirik ang araw ngunit inulan ng matinding kasiglahan at enerhiya ang pagbubukas ng 77th Foundation Week ng Northwestern Visayan Colleges (NVC) kahapon, Abril 7, sa Pastrana Park, Kalibo, Aklan.
Sa tulong ng pagkakaisa ng mga guro at mag-aaral, sinimulan ng maaga ang pagsasaya tungo sa isang makulay na parada ng iba’t-ibang team ng mga departamento mula NVC RSQ Building hanggang Pastrana Park. Ito ay kinalakipan ng mga grupong Pre school at Elementarya, Junior High School, Senior High Defenders, Criminology, Hoteliers kasama ang HST at CAST ng Tesda, Executives, at Educators.
Sa kanilang pagdating sa parke ay pinasinayaan ang programa ng pagbubukas ng Foundation Week. Ito ay pinasimulan ng pag-awit ng Pambansang Awit at NVC Hymn. Sa pamamagitan ng welcome remarks ay bumati sa mga dumalo ng aktibidad si Lillian Quimpo-Tirol, Ingat-Yaman ng NVC, at sinundan din ito ng isa pang pagbati mula sa kinatawan ni Hon. Juris Sucro, Municipal Mayor ng Kalibo, Aklan.
Isa sa mga tampok ng programa ay ang mensahe mula sa panauhing pandangal na si Jose Enrique Miraflores, Gobernador ng Lalawigan ng Aklan, na nagbigay ng mainit na pagbati para sa institusyon.
Sumunod ay ang pinaka-inaabangang bahagi ng programa, ang Mass Demonstration ng mga estudyante para sa pagtupad sa asignaturang Physical Education. Sa temang “Festival Dance,” kanilang inindak ang mga natatanging pista ng Pilipinas, pati na rin ang mga kultura at tradisyon ng bansa.
Nagtapos ang programa sa hiyawan at masigabong sigawan, at sa pagbibigay ng pangwakas na mensahe ni Mary Ann S. Lopez, ang Cultural Coordinator ng paaralan.
Ang matagumpay na pagbubukas ng Foundation Week ay patunay na patuloy ang pagkakaisa at pagmamalasakit ng mga estudyante at manggagawa ng NVC. Ang NVC 77th Foundation Week ay tatakbo mula Abril 7 hanggang Abril 10, 2025.
: Avril Lliamey Y. Carvajal, Managing Editor
: Brent Lorenz Roberto and Angelica Faith Briones, Photojournalist and Ejhay Abello, Videographer
#northwesternvisayancolleges#Sa_NVC_ikaw_ang_BIDA#nvctheforumpublication#77thanniversary#SupremeStudentCouncil




