𝗞𝗜𝗧𝗔 𝗕𝗘𝗥𝗦𝗔𝗠𝗔, 𝗞𝗜𝗧𝗔 𝗞𝗨𝗔𝗧: 𝗠𝗔𝗬 𝗟𝗔𝗞𝗔𝗦 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗞𝗔𝗞𝗔𝗜𝗦𝗔

Ang internasyonalisasyon ay isa sa mga pinakamataas na mithiin ng institusyon ng Northwestern Visayan Colleges. Sa pamamagitan nito ay patuloy na maitataas at maisusulong ang pagbabago at pag-unlad ng sistema ng edukasyon, hindi lamang sa NVC, kundi pati na rin sa ibang mga kolehiyo at unibersidad. Ito ay isa sa mga paraan upang mapagyabong pa ang kultura ng pagkakatuto sa bawat paaralan at sa mga mag-aaral na mayroon ito.
Noong nakaraang ika-tatlo ng Marso ay lumipad patungong Indonesia ang dalawang mag-aaral mula sa NVC na sina Bb. Vianca Pamocol, 4th Year BSED English, at si G. G-Cliff Christian Bartolome, 4th Year BSED Social Studies, upang doon manatili ng humigit-kumulang isang buwan para sa Southeast Asian Teacher Internship Program, sa Universitas Negeri, Jakarta, Indonesia. Sabay ng kanilang pagtungo roon ay siya ring pagpapadala ng nasabing unibersidad ng dalawa sa kanilang mga mag-aaral na sina Bb. Nona Audrey Afralia at Bb. Nona Aanisah Ghina, upang manatili rin dito para sa kanilang internship program.
Umaga ng ika-sampu ng Marso naman, ay isinagawa ang Welcoming Ceremony para sa mga nasabing mag-aaral. Ito ay idinaos sa NVC Carmen Hotel, na dinaluhan ng mga kaguruan sa Departamento ng Edukasyon, na pinangungunahan ng kanilang butihing dekana na si Dr. Marianne Lao Quimpo. Naroon din sa programa ang SEA Coordinator ng institusyon na si Dr. Charity Garcia, at ang punong-tagapayo ng English Club na si G. Elmer Hilario. Mainit ding sinalubong ng iba’t ibang organisasyon kasama ang mga miyembro ng pulong ng mga ito sina Bb. Audrey at Bb. Ghina.
Ang pagtitipon ay napuno ng mga usapin patungkol sa napakagaganda at napakayayamang kultura at kaugalian ng Pilipinas at Indonesia. Nagbigay ng kanilang personal na pahayag ang mga mag-aaral na sina G. Louis Joseph Candari at Bb. Althia Jane Nobleza, patungkol sa mga kaugalian at samu’t saring kultura na maaari nilang maranasan sa kanilang pananatili dito sa Pilipinas at sa Probinsya ng Aklan. Matapos ang kanilang pagbibigay mensahe ay sinundan rin ito ng mga personal na pahayag nina Bb. Audrey at Bb. Ghina, patungkol naman ito sa kaugalian mula sa kanilang bansa at unibersidad na pinanggalingan. Ayon pa kay, Bb. Ghina, “Thank you for making us feel like we’re home even though we are far from our home!”
Ang Pre-Service Student Teacher Exchange o SEA-Teacher Project ay isang proyekto kung saan ang mga bansa sa Timog-Silangang asya ay nagpapadala ng mga student intern sa isa’t-isa upang makipagpalitan ng kanilang mga natatanging kultura at tradisyon.
Tunay ngang hindi hadlang ang kultura sa pagkakaisa at pagtanggap, sa halip, ito ay nagsisilbing tulay upang ang bawat isa, anuman ang kanyang paniniwala, kaugalian, o rasa, ay magkakaroon ng koneksyon na hindi mabubuwag ng kahit ano pa man. Sa patuloy na pag-unlad at pagbabago ng ating mundo, ay siya ring patuloy na pagyabong ng bawat tanim na kaalaman upang ito ay mamunga ng kinabukasang puno ng posibilidad at natatanging kaalaman. Ang koneksyon ng NVC at Universitas Negeri, Jakarta, Indonesia, ay isa sa mga halimbawa ng pagkakaisa patungo sa pag-unlad.
Kaalaman ay pagyamanin, kultura ay pagyabungin, dahil, KITA BERSAMA, KITA KUAT!: MAY LAKAS SA PAGKAKAISA.
: Louis Joseph M. Candari, Section Editor
: College of Education
#northwesternvisayancolleges#Sa_NVC_ikaw_ang_BIDA#nvctheforumpublication






