𝗡𝗩𝗖 𝗦𝗛𝗢𝗢𝗧𝗘𝗥𝗦 𝗖𝗟𝗨𝗕: 𝗣𝗔𝗚𝗧𝗨𝗧𝗨𝗥𝗢 𝗡𝗚 𝗗𝗜𝗦𝗜𝗣𝗟𝗜𝗡𝗔, 𝗞𝗔𝗛𝗨𝗦𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗔𝗧 𝗦𝗣𝗢𝗥𝗧𝗦𝗠𝗔𝗡𝗦𝗛𝗜𝗣 𝗦𝗔 𝗠𝗔𝗥𝗞𝗦𝗠𝗔𝗡𝗦𝗛𝗜𝗣

Sa patuloy na pagpapalawak ng kaalaman at kasanayan sa marksmanship at responsible firearm handling, matagumpay na isinagawa ng NVC Shooters Club ang kanilang tatlong araw na training program katuwang ang Criminal Justice Education Department ng Northwestern Visayan Colleges. Ang nasabing programa ay naglalayong turuan ang mga mag-aaral ng wastong paggamit ng airsoft firearms, disiplina, at sportsmanship sa shooting sports. Sa pangunguna ng mga eksperto sa larangan ng marksmanship at gun safety, sumailalim ang mga kalahok sa serye ng mga aktibidad na sumubok sa kanilang pisikal na kakayahan, kaalaman, at pagkaka-isa.

𝗣𝗮𝗴𝘀𝗶𝘀𝗶𝗺𝘂𝗹𝗮 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝘀𝗮𝘀𝗮𝗻𝗮𝘆

Nagsimula ang programa noong Byernes, ika-21 ng Pebrero, sa pamamagitan ng reveille, kung saan maagang bumangon ang mga kalahok bilang bahagi ng military-inspired training discipline. Sinundan ito ng isang pormal na pagbubukas ng programa, na nagbigay ng oryentasyon tungkol sa mga layunin at panuntunan ng training. Pagkatapos nito, tinuruan ang mga kalahok ng positioning at gripping techniques sa pangangasiwa ng NVC Shooters Club at SISCAR members. Naging bahagi rin ng unang araw ang pagsusulit (exam) at interview upang masukat ang kanilang kaalaman at kahandaan sa paghawak ng baril.

𝗣𝗮𝗴𝗽𝗮𝗽𝗮𝗹𝗮𝘄𝗮𝗸 𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗮𝗹𝗮𝗺𝗮𝗻 𝗮𝘁 𝗞𝗮𝗸𝗮𝘆𝗮𝗵𝗮𝗻

Sa ikalawang araw, nagpatuloy ang pagsasanay sa pamamagitan ng isang lecture sa pangunguna ni Ginoong Prado, kung saan tinalakay niya ang firearm safety, responsible gun ownership, at ang tamang paggamit ng baril sa isang controlled environment. Matapos nito, sumabak ang mga kalahok sa assemble at disassemble training sa ilalim ng paggabay ni Francisco at iba pang miyembro ng Shooters Club. Natapos ang araw sa isang friendly shooting competition at team-building games na lalong nagpatibay sa samahan ng mga kalahok.

𝗣𝗮𝗴𝘁𝗮𝘁𝗮𝗽𝗼𝘀 𝗮𝘁 𝗚𝗿𝗮𝗱𝘂𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗖𝗲𝗿𝗲𝗺𝗼𝗻𝘆

Sa ikatlong araw, ipinagpatuloy ang pagsasanay sa pamamagitan ng isang lecture at reception proper, kung saan ipinakita ng mga kalahok ang kanilang natutunan sa pamamagitan ng isang practical assessment. Binigyang-pugay naman sa pamamagitan ng isang graduation ceremony ang kanilang pagsisikap at dedikasyon sa buong programa.

Ayon sa NVC Shooters Club, ang matagumpay na pagsasanay na ito ay patunay ng kanilang adhikaing ipalaganap ang kaalaman sa responsible firearm handling at ang pagpapalakas ng disiplina, teamwork, at respeto sa larangan ng marksmanship. Patuloy nilang isasagawa ang ganitong mga pagsasanay upang mahasa pa ang mga estudyanteng may interes sa shooting sports at gun safety.

Sa pagtatapos ng programa, mas pinaigting ng NVC Shooters Club ang kanilang pangako na maging huwaran sa ligtas at responsableng paggamit ng baril, hindi lamang bilang isang kasanayan kundi bilang isang sining ng disiplina at pagiging responsableng mamamayan.

Feature Committee: Princess Cauilan

Senior Photojournalist: NVC Shooters Club at Hyster Marie Tibus

For more photos, click here.