SEMINAR PARA SA BUWAN NG KABABAIHAN

Sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, matagumpay na isinagawa ng Junior Jaycees ng NVC (JJC) ang seminar na pinamagatang “Empowering and Valuing Eve” noong Sabado, Marso 29, 2025, sa NVC RSQ Building. Ang talakayang nagsentro sa topiko ng pag-aangat ng mga kababaihan ay dinaluhan ng iba’t ibang student leaders mula sa kani-kanilang departamento.

Pinangunahan ng tatlong natatanging kababaihan ang seminar: Gng. Ivy May Isturis Briones, isang Certified Public Accountant at Licensed Sun Life Advisor; Bb. Janica Anne Dela Peña, Provincial Youth Development Officer ng Lalawigan ng Aklan; at Gng. Ma. Precious D. Navejas, LPT, MAEd.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Gng. Briones ang kahalagahan ng pagsisikap. “Walang tagumpay na makakamit kung walang sakripisyo at sipag,” aniya. Ibinahagi din niya ang kaniyang pormula upang makamit ang tagumpay:

“Goal + Deadline + Plan + Consistent Action = Success” “Meaningful Goals + Deadline + Plan + Consistent Action = Fulfillment.”

Samantala, binigyang-halaga ni Bb. Dela Peña sa kaniyang mensahe ang papel ng kababaihan bilang mga pinuno at tagapagbago. “Women are leaders, changemakers, and trailblazers,” ayon sa kaniya. Dinagdag din niyang walang maliit na boses sa malaking pagbabago at lahat tayo may kakayahang maging instrumento ng pagbabago. “You can be the tool for change, you can be the change,” pahayag niya.

Ibinahagi naman ni Gng. Navejas ang kanyang inspirasyonal na paninindigan:

“Isa akong buwan—malayang nakakapagpahinga, hinahanap ng lahat, ginugusto. Isa akong babaeng malaya.”

Ang inisyatibong ito ay isang paalala na ang mga kababaihan ay may mahalagang papel sa lipunan—hindi lamang bilang tagapangalaga, kundi bilang mga lider at tagapagtaguyod ng positibong pagbabago.

✍: Jean Gelito, Associate Editor-in-Chief

🖼: Kyla Stephanie Nalumen, Feature Writer

#northwesternvisayancolleges#sanvcikawangbida#Sa_NVC_ikaw_ang_BIDA#NVC_THEFORUM#NVC